Mga bakwit mula sa Marawi City bibigyan ng Malakanyang ng temporary shelter at additional ₱4,000 cash assistance
Tiniyak ngayon ni Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo na pagkakalooban ng temporary shelter ang mga evacuees mula sa Marawi City habang inaayos ang kanilang mga nasirang bahay.
Magugunitang inihayag ng militar na posibleng matatagalan pa ang clearing operations at ang gagawing rehabilitation program.
Sa press briefing sa Malacanang, sinabi ni Secretary Taguiwalo na tatlong linggo na silang nasa procurement process ng mga family-size tents para sa bawat pamilyang lumikas mula sa conflict area.
Ayon kay Taguiwalo, mas mainam ang ganitong temporary shelter kaysa magbibigay ng emergency shelter assistance para agad ng may matutuluyan ang mga biktima at hindi na kailangan dumaan sa mahabang proseso ng validation.
Inamin ni Taguiwalo na medyo natatagalan lamang ang procurement process lalo pa’t nabigo ang bidding na isinagawa pero ginagawan na nila ng paraan para mapabilis ang pagbili.
Bukod sa temporary shelter, namamahagi na rin ang DSWD sa mga evacuees ng cash assistance at ilan pang tulong sa kanilang pansamantalang pangangailangan.
Sa ngayon, inihayag ni Taguiwalo na limang porsyento lamang ng mga lumikas sa Marawi o mga internally displaced persons (IDPs) ang nasa evacuation center dahil karamihan sa kanila ay in-house o nakikitira sa kanilang mga kamag-anak sa Iligan City at iba pang karatig-lugar.
Ulat ni: Vic Somintac