Mga bata, mas malakas ang antibody response sa COVID-19
WASHINGTON, United States (AFP) — Lumitaw sa isang pag-aaral, na ang mga batang edad 10 at pababa, ay nagpo-produce ng mas maraming antibodies bilang tugon sa coronavirus infection kaysa adolescents at adults.
Sinabi ng mga may-akda ng pag-aaral, na lumabas sa JAMA Network Open, na ang finding ay nakatulong sa pagbibigay linaw kung bakit ang mga bata ay hindi madaling kapitan ng severe COVID-19 kumpara sa adults — bagamat ang bahaging ito ay sumasailalim pa rin sa napaka aktibong pananaliksik at marami pang factors ang pinaniniwalaang may papel dito.
Ineksamin ng isang team na pinangungunahan ng researchers sa Weill Cornell Medicine, ang halos 32,000 antibody tests mula New York City sa pagitan ng Abril at Agosot 2020, kung saan nakita nila na pareho ang bilang ng nagpakita ng senyales ng past infection mula sa 1,200 mga bata at 30,000 adults — 17 percent at 19 percent.
Pagkatapos ay ineksamin nila ang isang subset ng mga pasyenteng nagpositibo— 85 mga bata at 3,648 adults — upang determinahin ang lebel ng immunoglobulin G (IgG) antibodies.
Ito ang pangunahing uri ng “neutralizing” antibody na dumidikit sa spike protein ng virus, na pumipigil ditto na makapasok sa selula.
Ang 32 mga bata edad isa hanggang sampu ay nagpakita ng median IgG levels na halos limang ulit na mas mataas kaysa 127 young adults edad 19-24 taon.
Sa huli, nagpokus sila sa isang subset ng 126 positive patients edad 1-24 taon, na hindi nakaranas ng severe COVID-19, upang lalo pang matukoy ang antibody response.
Sa final group, ang mga batang edad 1-10 taon ay may average na higit sa dalawang ulit ng lebel ng IgG antibodies ng adolescents edad 11-18 taon, na mayroon namang higit sa dalawang ulit sa average level ng young adults edad 19-24 taon.
Ayon sa authors wrote . . . “Our findings suggest that the differences in clinical manifestations of Covid-19 in pediatric patients compared with adult patients could be partly due to age-related immune response.”
Ang katotohanan na ang mga bata ay less prone sa severe COVID-19 ay tila kasalungat ng katotohanang, sila ang mas madaling kapitan ng iba pang respiratory illness, at ng iba pang mga theory.
Iminumungkahi ng isinulat ng mga researcher mula sa Australia sa Nature Communications nitong nakalipas na buwan, na ang mga bata ay may mas active na “innate” immunity — ang first line of defense ng immune system na siyang nati-trigger bago magpalabas ng antibodies, at kinasasangkutan ng mga selula gaya ng neutrophils na siyang nagpapatrulya sa loob ng katawan para hanapin ang impeksyon.
Ang isa pang theory ay iniuugnay naman sa katotohanan na ang mga bata ay mayroong mas kakaunting cell receptors sa kanilang respiratory tracts na tinatawag na “ACE2,” na ginagamit ng coronavirus para makapasok sa ating selula.
Ang isang kabalintunaang resulta mula sa bagong pananaliksik ay, ang antas ng antibody ay pinakamababa sa young adults o mga batang may sapat na gulang ngunit muling tumaas sa kanilang pagtanda – sa kabila ng katotohanang alam natin na ang mga matatanda ay mas mahina.
Aminado ang mga may-akda na hindi nila ito lubos na maipaliliwanag at iminungkahi ang dahilan para sa mas mataas na hospitalization at death rates sa mga matatanda, ay maaaring may relasyon sa higher rates ng comorbidities.
Ang labis na katabaan o obesity, na isang major risk factor para sa severe COVID-19, ay nauugnay sa isang phenomenon na tinatawag na “cytokine storm,” kung saan ang immune system ay labis na nagagamit na nakasisira sa mga organ.
Dagdag pa ng mga may-akda, ang katotohanan na ang mga taong obese ay may mas mataas na baseline level ng signaling proteins na tinatawag na cytokines, ay maaaring nauugnay din sa tumaas na antibody production..
© Agence France-Presse