Mga bata sa China na edad tatlong taon, babakunahan na rin
BEIJING, China (AFP) – Inaprubahan na ng China ang emergency use ng isang COVID-19 vaccine, para sa mga batang edad tatlong taon.
Ito ang kinumpirma ng drugmaker, kayat ang China ang magiging kauna-unahang bansa na magbibigay ng bakuna sa mga bata.
Ayon sa tagapagsalita ng Sinovac, inaprubahan nang gamitin ang kanilang bakuna sa mga batang edad tatlong taon.
Sinabi ng tagapagsalita . . . “In recent days, the Sinovac vaccine was approved for emergency use in 3-17 year olds.
Gayunman, hindi niya kinumpirma kung kailan magsisimulang bakunahan ang mga bata.
Aniya, ang schedule ay pagpapasyahan ng National Health Commission batay sa “current epidemic prevention and control needs and vaccine supply” ng China.
Dagdag pa ng tagapagsalita, nakumpleto na ng kompanya ang unang bahagi ng vaccine trials sa mga bata at teenagers, at ang resulta nito ay ilalathala sa Lancet scientific journal.
Nitong weekend, ay iniulat ng state media na isang hindi pinangalanang opisyal sa epidemic response task force ng State Council ang nagsabi, na inaprubahan na ang mga bakuna para sa mga bata at napatunayan na ang bisa at pagiging ligtas nito.
Ayon naman sa isang tagapagsalita ng Sinopharm, naipakita ng mga eksperto ang pagiging mabisa ng kanilang bakuna sa mga bata, ngunit hindi kinumpirma kung naaprubahan na ba ito para gamitin.
Una nang inihayag ng Chinese officials, na target nilang mabakunahan ang 70% ng 1.41 bilyon nilang populasyon sa katapusan ng taon.
Bagama’t sa kasalukuyan ay hindi inirerekomenda ng World Health Authorization (WHO) na bakunahan ang mga bata laban sa coronavirus, inaprubahan na ng Estados Unidos, Britanya, Singapore at ng European Union ang Pfizer-BioNTech vaccine para sa mga 12 anyos.
@ Agence France-Presse