Mga batas para mapanatili ang peace and order sa Mindanao, ipupursige ng Senado
Ang mga batas na magpapanatili sa peace and order sa Mindanao at iba pang bahagi ng bansa ang isa sa mga magiging prayoridad ng Senado ngayong second regular session.
Ayon kay Senate President Aquilino Pimentel, kasama sa target nilang ipasa ang Bangsamoro Basic Law, Charter Change, Anti Terrorism Law at ang panukalang National Identification System.
Pero hindi kasama sa kanilang agenda ang isinusulong na Death Penalty Bill ni Pangulong Duterte na inaasahang isa sa magagamit na panlaban laban sa operasyon ng iligal na droga sa bansa.
Aprubado na sa Kamara ang House Bill No. 4727 o Death Penalty Bill pero hindi pa ito natatalakay sa Committee Level ng Senado.
Bukod sa mga panukalang inaasahang solusyon laban sa terorismo, papaspasan aniya ng Senado ang panukala para i-angat ang buhay ng mga mahihirap na Pilipino.
Sinusuportahan aniya ng Senado ang Tax Reform ng gobyerno at mga programa para sa development gaya ng pagpapalit ng sistema ng gobyerno patungong Federalism.
Ulat ni: Mean Corvera