Mga beach sa Peru, nakaranas ng oil spill na isinisisi sa pagputok ng bulkan sa Tonga
Ipinasara ng Peruvian authorities ang tatlong beach matapos makaranas ng oil spill, na isinisisi sa “freak waves” na dulot ng pagputok ng bulkan sa Tonga.
Ayon sa Pampilla Refinery na bahagi ng Spanish company na Repsol, nagkaroon ng “limited oil spill” sa baybayin ng Callao at Ventanilla districts malapit sa Lima noong Sabado, dahil sa marahas na mga pag-alon bunga ng pagputok ng bulkan sa kabilang parte ng Pacific Ocean.
Anila, nangyari ang oil spill habang nagsasagawa ng offloading mula sa isang tanker.
Sa isang statement ay sinabi naman ng National Emergency Operations Center (NEOC), na nakontrol na ang oil spill.
Ayon kay Environment Minister Ruben Ramirez, naapektuhan ng oil spill ang tatlong kilometro sa kahabaan ng tatlong beach.
Aniya . . . “There is great damage to biodiversity and it could even impact human health. And so it has been ordered that the area is cut off for all kinds of activity.”
Ayon sa environment ministry, maaaring pagmultahin ng hanggang $34.5 million ang Pampilla, habang binuksan naman ng prosecutors ang isang imbestigasyon sa kompanya para sa environmental contamination.
Tugon naman ng Pampilla na hindi sinabi kung gaano karami ang langis na natapon, nakikipagtulungan na sila sa mga awtoridad para linisin ang mga naapektuhang beach.