Mga beach sa Rio de Janeiro, lalagyan ng harang sa New Year’s Eve
RIO DE JANEIRO, Brazil (AFP) – Inanunsyo ng mga awtoridad sa Rio de Janeiro, na iba-block nila ang access sa mga beach sa gabi ng December 31 para mapigilan ang mga tao sa pagpunta sa isa sa mga lungsod sa Brazil, na grabeng tinamaan ng coronavirus pandemic.
Kabilang sa hakbang ang pagbabawal sa mga sasakyan sa kahabaan ng may 30-kilometro (19 na milya) ng baybayin ng Rio, kung saan milyun-milyong katao ang karaniwang nagtitipon-tipon tuwing December 31 para salubungin ang bagong taon sa pamamagitan ng firework displays.
Tanging ang mga residente lamang na nakapaligid dito ang maaaring maglakad-lakad sa lugar.
Sinomang lalabag ay maaaring pagmultahin ng hanggang 15,000 reais ($2,800).
Sinabi ni Alexandre Cardeman, hepe ng Rio Operations Center, na siyang nangangasiwa sa security at traffic video surveillance, na kailangan nilang magpahatid ng mahigpit at direktang mensahe sa publiko.
Nitong nakalipas na linggo, nag-anunsyo ang tanggapan ng alkalde na ipagbabawal din ang pagpasok sa Copacabana neighborhood, ang sentro ng tradisyunal na mga pagdiriwang tuwing bagong taon, mula alas-8:00 ng gabi sa December 31.
Maglalagay din ng police barriers para mapigilan kapwa ang public transport at private vehicles, hindi rin iikot ang subway sa mga nabanggit na lugar.
Una nang plinano ng tanggapan ng alkalde na magsagawa ng isang virtual celebration na may online music shows, subalit kinansela ang alinmang official events dalawang linggo na ang nakalilipas.
Ang Brazil na nakapagtala na ng higit 191,000 namatay dahil sa COVID-19, ang ikalawang may pinakamataas na bilang ng nasawi sumunod sa Estados Unidos.
Sa Rio de Janeiro pa lamang ay higit 15,000 na ang namatay, kung saan ang mortality rate ay 216 per 100,000 inhabitants – higit sa doble ng national average.
© Agence France-Presse