Mga beer, shabu at iba pang libu-libong kontrabando, nakumpiska at isinuko ng mga PDLs sa Bilibid
Agad na iniutos ni Bureau of Corrections (BuCor) OIC Gregorio Catapang Jr. ang paggalugad sa New Bilibid Prisons at pakikipagdayalogo sa mga lider ng mga grupo sa piitan para isuko ang mga hawak nilang kontrabando.
Ito ay kasunod ng resulta ng re-autopsy sa bangkay ng Bilibid inmate na si Jun Villamor kung saan may nakitang shabu sa katawan nito.
Kasama sa mga boluntaryong ibinigay sa mga otoridad ng inmates ay ang ilang plastic sachet ng hinihinalang shabu at iba pang drug paraphernalia.
Ayon sa BuCor, ipapasuri pa ang mga ito para makumpirma kung shabu at para mabatid ang dami at ang halaga.
Umaabot naman sa mahigit 1,000 cellphones at iba pang communication device gaya ng laptops ang nasabat sa Oplan Paglilinis ng BuCor.
Sinabi ni Catapang na ipapasuri ang mobile phones kung kabilang sa mga ito ang ginamit ni Villamor na sinasabing middleman sa Percy Lapid killing.
Nasa 1,300 piraso naman ng deadly weapons gaya ng mga baril at kutsilyo ang nakuha sa operasyon ng BuCor.
Isinuko rin sa mga tauhan ng BuCor ng iba’t ibang gang ang mahigit 7,500 na alak o lata ng beer.
Sinabi ni Catapang na ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng BuCor o Bilibid na may ganoong kadami ng alak na isinuko at nakita sa Bilibid.
Ayon pa sa opisyal, umaabot sa P1,000 ang bentahan ng nasabing beer sa kulungan.
Kaugnay nito, iniimbestigahan na ng BuCor ang mga tauhan na posibleng sangkot sa pagkakapuslit sa Bilibid ng mga alak.
Ayon kay Catapang, may PDLs na nagsiwalat ng mga nasa likod ng pagpasok ng mga beer sa piitan.
Bukod sa BuCor personnel, kasama sa mga idinadawit ay ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology na dating naitalaga sa BuCor.
Sususpendihin naman ang mga isinasangkot na BuCor at BJMP habang gumugulong ang imbestigasyon sa isyu.
Moira Encina