Mga bibisita sa mga sementeryo sa San Juan City mula October 16 hanggang November 15, obligadong magpareserba muna sa lokal na pamahalaan
Kinakailangan munang magpareserba ang mga nais bumisita sa mga sementeryo sa San Juan City bilang pag-iingat sa Covid-19.
Alinsunod sa kautusan na nilagdaan ni Mayor Francis Zamora, obligadong magpareserba muna sa Cemetery Affairs Office at City Tourism Cultural Affairs Office ang mga pupunta sa lahat ng pampubliko at pribadong sementeryo, memorial parks, at kolumbaryo sa San Juan City mula October 16 hanggang November 15.
Ito ay maliban na lamang sa October 29 hanggang November 4 dahil una nang iniutos ng IATF na isara ang lahat ng sementeryo sa bansa sa mga nabanggit na petsa.
Pwedeng magpareserba online o sa pamamagitan ng pagtawag sa hotlines ang publiko.
Kailangan namang magpareserba dalawang araw bago ang planong pagpunta sa sementeryo.
Para mas marami ang makapunta sa mga sementeryo ay by batches ang pagbisita kada dalawang oras.
Limitado sa 270 bisita kada batch ang papayagan sa mga pampublikong sementeryo at kolumbaryo habang 30 bisita per batch sa mga pribadong memorial parks.
Mahigpit namang ipatutupad ang isang metrong distansya sa mga bisita, at ang pagsusuot ng face mask at face shield sa sementeryo.
Moira Encina