Mga biktima ng malakas na paglindol makakaasa ng suporta mula sa Kamara
Tiniyak ng pamunuan ng Kamara na ibigay ang lahat ng tulong at suporta ng gobyerno para sa lahat ng biktima ng malakas na lindol noong July 27.
Dahil dito inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Resolution 122 para ibigay ang buong suporta ng House of Representatives sa mga biktima ng magnitude 7.3 na lindol na tumama sa lalawigan ng Abra at karatig probinsiya.
Ang nasabing resolusyon ay inihain nina Speaker Martin Romualdez, Majority Leader Manix Dalipe, Minority Leader Marcelino Libanan at Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos.
Batay sa report lubhang naapektuhan ng malakas na lindol ang Abra, Ilocos Region, Cagayan Valley, at sa iba pang lugar sa Nothern Luzon na ikinamatay ng sampung katao.
Umabot na sa mahigit 400 milyong piso ang tinatayang pinsala ng malakas na lindol.
Sa ngayon nasa ilalim ng state of calamity ang buong probinsiya ng Abra para makontrol ng mga local officials ang presyo ng mga basic goods at mabilis na magamit ang calamity funds.
Vic Somintac