Mga biktima ng recruitment scam na naka-base sa Italy, humingi ng tulong sa DOJ
Nagpasaklolo sa DOJ ang mga sinasabing biktima ng recruitment scam na naka-base sa Italy.
Ayon sa mga biktima, nagbayad sila sa Alpha Assistenza SRL ng kabuuang 3,000 euros o katumbas ng P180,000 para sa mabilis na pag-proseso ng work permits sa Italy.
Nagtiwala silang lehitimo ang ahensya dahil may mga abogado ang mga ito at may mga video testimonial ang kanilang social media page na nagsasabing mabilis ang pagproseso ng work permits.
Ipinadala anila ng Alpha Assistenza SRL ang mga naprosesong work permit sa pamamagitan ng email o kaya ay sa social media.
Pero nalaman nilang naloko sila nang dumating ang rejection letter mula sa Italian Embassy na nagsasabing “falso” o peke ang kanilang work permits.
Ayon sa mga complainant, tinatayang nasa 400 ang naging biktima ng Alpha Assistenza SRL na pinangangasiwaan ng mga Pilipino na nasa Italy.
Nangako naman si Justice Secretary Crispin Remulla na tutulungan ng DOJ ang mga biktima sa pamamagitan ng pagkuha ng mga salaysay nito para sa gagawing imbestigasyon at case build up ng NBI.
“Ang iba diyan nagsangla ng bahay, lupa. Nagbenta po yang mga yan ng sasakyan. Nangutang sa mga porsyentuhan. Ngayon binabayaran nila. Tapos hindi na namin mahabol yung may-ari ng Alpha Assistenza.” pahayag ni Apples Cabasis, complainant/biktima
“Kung ito ay swindling estafa large scale estafa o qualified theft or whatever cases they are… we will help them draw out the truth by drawing statements from the victims so we can assist this people in filing a complaint para di na sila maghanap ng abogado we will help them draft complaints complete affidavits.” pahayag ni Secretary Crispin Remulla
Moira Encina