Mga biktima ng Super Typhoon Yolanda dapat magkaroon ng evacuation center
Sampung taon makalipas ang pananalasa ng Super Typhoon Yolanda, Iginiit ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na dapat nang magkaroon ng evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa.
Sa Senado isinusulong ni Estrada ang panukalang batas para sa pagtatayo ng typhoon-resilient at earthquake-proof evacuation centers.
Sa Kapihan sa Manila Bay News Forum, sinabi ni Estrada na nainendorso na sa plenaryo ang Senate Bill No. 2451 o ang panukalang “Ligtas Pinoy Centers Act”.
Giit ng senador dapat ng matapos ang panahon na tuwing may kalamidad ay mga eskwelahan ang ginagawang evacuation center.
Kawawa naman aniya ang mga estudyante na apektado at hindi makapagklase.
Sa panukala ipinatitiyak rin ni Estrada na ang itatayong evacuation centers ay matatag at magiging ligtas na silungan ng ating mga kababayan sa panahon ng kalamidad.
Noong 2014 nagkaroon aniya ng pagsusuri ang International Organization for Migration at UNICEF kung saan isang taon matapos ang Yolanda, nakita na sa 643 evacuation centers sa Eastern Samar ay 53 lang ang magagamit.
166 rito ang nawasak habang 415 ang matinding napinsala.
Madelyn Villar – Moratillo