Mga botante dapat maging maingat ngayong panahon ng kampanya – Lacson-Sotto
Nagpaalala ang tambalan nina Senador Ping Lacson at runningmate nito na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto sa pagsisimula ng opisyal na panahon ng kampanya.
Ayon kina Lacson at Sotto, kinakailangang mas maging maingat ang mga botante.
Bukod kasi sa banta sa kalusugan dulot ng umiiral pa ring pandemya ng COVID-19, nagkaroon din ng malaking pagbabago sa political landscape sa bansa dahil sa fake news o pagpapakalat ng mali o nakapanlilinlang na impormasyon.
Ito’y para sirain ang reputasyon ng isang kandidato at malihis ang paniniwala ng publiko.
Sinabi ni Lacson na personal niyang naranasan ang hagupit ng epekto ng fake news at black propaganda.
Payo nila sa mga botante, pag-aralang mabuti ang mga impormasyon na ipinapakalat lalo na sa mga online platform tulad ng social media dahil maaaring pakana lamang ito ng ilang humahadlang na masiwalat ang katotohanan o gustong malubog ang kalaban upang sila ang umangat sa karera.
Sa Imus Grandstand napili ng tambalan nina Lacson at Sotto na magsagawa ng Proclamation rally kasabay ng opisyal na pagsisimula ng kampanya.
Meanne Corvera