Mga Brgy. Captain sa Maynila, maaaring magdeklara ng lockdown kung tumataas ang kaso ng Covid-19 sa kanilang lugar
Binigyan ng kapangyarihan ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga kapitan ng Barangay sa Lungsod para magdeklara ng lockdown sa kani-kanilang lugar.
Sa nilagdaang Executive Order ng alkalde, nakasaad na kung magkaroon ng 10 aktibong kaso ng Covid-19 o higit pa sa isang Barangay ay maaaring magdeklara ang opisyal ng lockdown.
Pero may mga inilatag na kondisyon ang alkalde, sa loob ng 3 oras mula ng ideklara ang lockdown, kailangan itong isumite sa tanggapan ng City Mayor para sa kumpirmasyon.
May 2 araw din dapat na prior notice bago ang mismong araw ng lockdown para makapaghanda ang mga residente at negosyo sa partikular na Barangay.
Bago ipatupad ang lockdown kailangan ding maberipika muna ng Manila Health Department kung may 10 o higit ngang active COVID-19 active cases sa Barangay.
Sa panahon ng lockdown, bawal lumabas ng bahay ang mga residente maliban sa mga nasa frontline service.
Inaatasan rin ang istasyon ng pulisya na magtalaga ng mga tauhang magbabantay sa panahon ng lockdown.
Una rito, nasa 29 na Barangay, 1 street, at one cluster lockdown ang isinailalim sa 4 na araw na lockdown ngayong linggong ito.
Sa datos ng Manila Health Department nasa 3,667 ang aktibong kaso ng Covid-19 sa Lungsod.
Madz Moratillo