Mga Brgy. Kapitan na nagpapabaya sa tungkulin kaugnay sa mass gathering, pinaaaresto sa PNP
Binigyan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ng ultimatum ang mga Barangay Kapitan na hindi nagpapatupad ng panuntunan ng pamahalaan hinggil sa pagbabawal ng mass gathering sa mga lugar na nasa ilalim pa rin ng General Community Quarantine with hightened restriction.
Sa kanyang regular na weekly Talk to the People, inatasan ng Pangulo ang Philippine National Police na arestuhin at kasuhan ng Dereliction of Duty ang sinumang Barangay Chairman na nagpapabaya sa kanyang nasasakupan kaya nagkakaroon ng mga mass gathering.
Ginawa ng Pangulo ang kautusan matapos mag-report si Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na may mga lugar sa Metro Manila na nasa ilalim ng GCQ with hightened restriction na nagkaroon ng mass gathering na hindi man lang pinagbawalan ng mga Barangay official.
Ayon sa Pangulo, ang mass gathering ay maituturing na super spreader ng COVID-19 dahil hindi na nasusunod ang minimum standard health protocol partikular ang social distancing.
Inihayag ng Pangulo kung patuloy na hindi susunod ang publiko sa pagsasagawa ng mass gathering ay lalong titindi ang problema at hindi makaaalis ang bansa sa pandemya ng COVID 19 sa kabila ng isinasagawang mass vaccination ng pamahalaan.
Vic Somintac