Mga Brgy. official, inatasang magbahay-bahay para hanapin ang mga may sintomas ng Covid-19
Matapos ilabas ng Inter Agency Task Force (IATF) ang pinahigpit na patakaran sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine, inaatasan ng IATF ang mga Barangay officials na ipatupad ang Coordinated Operation to Defeat Epidemic (CODE).
Sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque dapat maging aktibo ang lahat ng mga Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) sa pagpapatupad ng CODE.
Ayon kay Roque sa pamamagitan ng CODE visit ay magbabahay-bahay ang mga Barangay officials para hanapin ang mga may sintomas ng COVID-19 sa kanilang nasasakupan.
Inihayag ni Roque lahat ng mga may sintomas ng COVID 19 sa Barangay ay agad na isasailalim sa RT PCR swab test at kung magpositibo ang resulta ay dadalhin sa mga isolation facilities o hospital upang mabigyan ng kaukulang medical attention.
Niliwanag ni Roque ang pagpapatupad ng mahigpit na protocol sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ na kinabibilangan ng National Capital Region o NCR, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal ay naglalayong makontrol ang mabilis na paglaganap ng kaso ng COVID 19.
Vic Somintac