Mga cabinet officials handang magpabakuna para patunayang ligtas at epektibo ang Sinovac anti COVID-19 vaccine
Ipinagtanggol ng Malakanyang ang pagiging epektibo at ligtas ng Sinovac anti COVID 19 vaccine matapos pagdudahan dahil sa sinasabi ng Food and Drug Administration o FDA na hindi ito advisable na gamitin para sa mga medical frontliners sapagkat umaabot lamang ito sa 50 percent efficacy batay sa clinical trial na ginagawa sa bansang Brazil.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na nagkaroon lamang ng kalituhan sa efficacy ng Sinovac depende sa grupo ng mga tao na sumailalim sa clinical trial.
Ayon kay Roque batay sa record ng clinical trial ng Sinovac 50 percent ang efficacy result sa Brazil kung saan ginamit sa mga medical frontliners, 91 percent ang efficacy result naman noong gamitin sa mga ordinaryong mamamayan sa Turkey at Indonesia.
Inihayag ni Roque dapat paniwalaan ang opinyon ng World Health Organization o WHO na ang gamot o bakuna na mayroong naitalang 50 percent efficacy rate ay mabisa at ligtas na gamitin.
Binigyang diin ni Roque para makumbinse ang publiko na mabisa at ligtas ang Sinovac anti COVID 19 vaccine na donasyon ng China ay magpapabakuna siya kasama sina Health Secretary Francisco Doque, Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez at Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Kaugnay nito ipinaliwanag ni Helen Yang ang General Manager ng Sinovac Biotech na nakabase sa Hongkong sa pamamagitan ng virtual press briefing na walang problema sa kanilang bakuna na ginagamit na sa 11 bansa tulad ng Brazil, Turkey, Mexico, Columbia, Indonesia at Thailand.
Ayon kay Yang inaapura na ng kanyang tanggapan ang shipment ng 600 thousand doses ng Sinovac anti COVID 19 vaccine na donasyon ng China sa Pilipinas matapos matanggap ang Emergency Use Authorization na inisyu ng FDA.
Inihayag ni Yang nagkaroon na ng koordinasyon ang Customs officials ng Pilipinas at Hongkong para mapabilis ang proseso ng mga dokumento na kailangan sa shipment ng bakuna.
Vic Somintac