Mga Chinese victim ng forced labor ng isang POGO firm sa Pasay City, naghain ng reklamo
Humarap sa Department of Justice (DOJ) ang pitong Chinese na dating empleyado ng ni-raid na POGO scam hub sa Pasay City para maghain ng karagdagang reklamo laban sa mga kapwa nila Chinese na opisyal ng kumpanya.
Ayon kay Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC) Spokesperson Winston Casio, ang pitong dayuhan ay binugbog ng mga amo nila sa POGO firm na Smart Web Technology Corporation.
“Meron tayong natuklasan pitong biktima sa loob ng smart web na binubugbog saka binenta pala. Naidentify natin nambugbog sa kanila at yung pitong Chinese ang kinakasuhan natin” ani Casio.
Sinampahan aniya ng PAOCC at ng mga biktima ng mga reklamong forced labor o slavery ang mga natukoy na pitong opisyal ng POGO.
Nasa bansa pa aniya ang karamihan sa mga inireklamong Chinese habang ang iba sa mga ito ay dati nang wanted at may arrest warrant mula sa korte.
Moira Encina