Mga convict na hindi sumunod sa ultimatum ni Pangulong Duterte,hinimok ng Malakanyang na sumuko pa rin
Nanawagan pa rin ang Malakanyang sa mga convict na nakinabang sa Good Conduct Time Allowance o GCTA Law na bigong sumunod sa 15 days ultimatum ni Pangulong Rodrigo Duterte na mas mabuting sumuko na lamang kaysa malagay sa panganib ang kanilang buhay.
Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles na nasa panganib ang buhay ng mga hindi sumukong convict dahil nasa order of battle na sila ng Philippine National Police o PNP bilang mga pugante na maaaring arestuhin kahit walang arrest warrant.
Ayon kay Nograles nananatili ang kautusan ni Pangulong Duterte na may patong na isang milyong pisong pabuya sa bawat ulo ng mga pugante na nakinabang sa GCTA.
Inihayag ni Nograles na mahaba ang kamay ng gobyerno para madakip ang sinuman na nagtatago sa batas.
Ulat ni Vic Somintac