Mga crew ng dalawang barkong nagbanggaan sa Cavite, ligtas na – PCG
Dalawang barko ang aksidenteng nagkabanggaan sa karagatang sakop ng Cavite.
Ayon sa Philippine Coast Guard, ang aksidente ay naganap 3 nautical miles mula sa Cavite City at kinasasangkutan ng Thailand flagged vessel na MV Rich Rainbow at Marshall Islands Flagged cargo vessel na MV Ivy Alliance.
Ayon sa PCG, bandang 9:50 kagabi ay nakatanggap ng tawag ang kanilang Coast Guard Station sa Cavite hinggil sa insidente.
Agad naman silang nagpadala ng mga tauhan sa lugar.
Sa inisyal na report ng PCG, ang MV Rich Rainbow ay may mga lamang gasolina habang ang MV Ivy Alliance naman ay may mga sakay na coal ng maganap ang aksidente.
Ang MV Rich Rainbow ay palabas umano ng Pilipinas at patungong China habang ang MV Alliance naman ay mula sa Indonesia at papasok sa Pilipinas.
Ligtas naman ang mga crew ng 2 barko.
Inaasahan namang maglalabas ng Notice of Detention sa 2 barko habang patuloy pa ang imbestigasyon.
Hindi naman umano nagdulot ng oil spill ang insidente.
Sa inisyal na assessment ng PCG, nagtamo ng 10 hanggang 15 metrong habang butas ang MV Ivy Alliance dahil sa aksidente habang nasa 15 hanggang 20 metrong haba ng butas naman ang tinamo ng MV Rich Rainbow.
Madz Moratillo