Mga dam sa bansa, unti-unti nang nakakarekober dahil sa mga pag-ulan
Unti-unti nang nakakarekober ang halos lahat ng mga pangunahing dam sa Luzon dahil sa madalas na pag-ulan simula pa ng mga nakalipas na araw.
Ayon kay Richard Orendain ng Pagasa Hydrometeorological service, kabilang dito ang La mesa dam, Ipo dam, Binga, Pantabangan pero maliban na lamang sa ilang mga dam gaya ng Angat dam na 1 centimeter lang ang itinaas dahil ang catchment area nito ay nasa silangang bahagi ng bansa at hindi gaanong tinatamaan ng ulan.
Hindi rin sapat ang ulan na pumupuno sa watershed ng Ambuklao dam sa Benguet habang ang Magat dam naman na nasa Isabela ay bumaba ng 45 centimeter dahil malaki ang inilalabas na tubig nito para sa irigasyon dahil ngayon ay panahon ng taniman.
Tiniyak naman ni Orendain na kahit luma na ang mga dam sa Pilipinas, matitibay pa naman ang mga ito dahil ito ay mga earth dam at hindi concrete dam.
“Iba yung dam natin eh. Mas matibay kasi pag earth dam, hindi kagaya ng concrete dam na kapag nagkaron ng crack, wala na talaga. Pero yung eath dam kasi lalung nako-compact yun lalu na pag nagkaron ng konting pag-alon”.