Mga dating empleyado ng Wellmed Dialysis center, gustong mapasailalim sa Witness Protection Program…Isa sa mag may-ari ng Wellmed, humarap sa NBI
Lumutang sa NBI headquarters sa Maynila ang isa sa mga co-owners ng kontrobersyal na Wellmed Dialysis center na si Brian Sy na itinuturong nasa likod ng ghost dialysis scam matapos ipa-subpoena ng kawanihan.
Una nang iniutos ni Pangulong Duterte na arestuhin ang mga may-ari ng Dialysis center.
Kasama ni Sy na nagtungo sa NBI ang kanyang abogado na si Ruel Ilagan.
Sinabi ng abogado na handa silang makipagtulungan sa imbestigasyon ng NBI.
Inakusahan ng abogado ang mga dating empleyado ng Wellmed na sina Edwin Roberto at Liezel Santos na tunay na nagkuntsabahan at nagbulsa sa nakuhang claims mula sa Philhealth at binaliktad lang ng mga ito ang istorya matapos mabisto ng kumpanya.
Ayon pa sa abogado, may mga hawak din silang ebidensya at mga testigo para idiin sina Roberto at Santos na mag- live in partners din.
Samantala, nagtungo rin sa NBI sina Roberto at Santos kung saan hiniling nila na matulungan silang mailagay sa Witness Protection program.
Ang dalawa ang nagbunyag sa modus ng Wellmed na mag-claim sa Philhealth kahit namatay na ang pasyente.
Sinabi ng dalawa na maghahain sila ng aplikasyon sa WPP ng DOJ dahil sa pangamba sa kanilang buhay.
Inihayag pa ng dalawa na bago pa man sila mag-resign sa Wellmed at ibunyag ang ghost dialysis ay pinagbantaan na sila sa kanilang buhay at hina-harass na dati ni Brian Sy.
Itinanggi nila ang paratang ng kampo ng Wellmed na sila ang may pakana sa pekeng claims dahil empleyado lang sila at sinusunod lang nila ang amo nilang si Brian Sy.
Iginiit ng mga whistleblowers na handa nilang kontrahin ang mga alegasyon ng Wellmed at may hawak silang mga ebidensya laban sa dialysis center.
Ulat ni MOira Encina