Mga dating kalihim ng Department of Justice na sina Senador Leila de Lima at Vitaliano Aguirre, iimbitahan na rin ng Senado para magpaliwanag kaugnay sa GCTA Law
Pinag-aaralan na rin ng Senado na maimbitahan si Senador Leila de Lima kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law kung saan napalaya ang mga nahatulan sa heinous crimes.
Si De Lima ang kalihim ng Department of Justice (DOJ) nang balangkasin ang Implementing Rules and Regulations (IRR) at simulang ipatupad ang batas.
Sinabi ni Senador Panfilo Lacson na pinaplantsa na ng komite ang mga mekanismo kung paano mapapaharap si De Lima na kasalukuyang nakakulong sa PNP custodial center.
Ipauubaya aniya nila ito sa Korte o kaya naman ay maaring magtungo na lamang ang mga Senador sa PNP custodial center para doon isagawa ang pagdinig.
Bukod kay De Lima, inimbitahan na para dumalo sa pagdinig sa Huwebes si dating Justice secretary Vitaliano Aguirre.
Sinabi ni Senador Richard Gordon, chairman ng Justice at Blue Ribbon Committee na nais nilang pagpaliwanagin ang dating kalihim kung bakit ipinagpatuloy ang implementasyon ng GCTA law nang hindi ipinatupad ang Department order no. 953 na ipinalabas ni Supreme Court Associate Justice Benjamin Caguioa noong ito’y kalihim pa ng DOJ
Sa naturang Department order, kinakailangang dumaan at aprubahan muna ng Secretary of Justice ang pagpapalaya sa mga bilanggong nahatulan ng reclusion perpetua.
Ayon kay Senate Blue Ribbon committee chairman Richard Gordon, kanilang itinakda ang pagharap ni Aguirre sa hearing sa Setyembre 19.
Ulat ni Meanne Corvera