Mga dating opisyal ng DEPED ipinatawag na ng Senado bukas
Inimbitahan na ng Senado ang mga dating opisyal ng Department of Education para magpaliwanag sa imbestigasyon kaugnay ng biniling mga mamahaling laptop para sa mga guro.
Nauna nang kinuwestyon ng Commission on Audit (COA) ang pagbili ng laptop na dapat ay 2.4 bilyong piso lang ang halaga pero umabot ng 4 bilyong piso.
Ayon kay Senate Minority Leader Aquilino ‘Koko” Pimentel, dapat magpaliwanag si dating Education Secretary Leonor Briones at Assistant Secretary na in-charge sa pagbili ng laptop na mahihinang klase.
Partikular na dapat nilang ipaliwanag kung tugma ba ito sa inorder para sa mga guro at kung may kasama bang taga-DepEd nang magsagawa ng canvass ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) sa mga laptop.
Igiinit ng Senador na kailangan ito para sa pagbalangkas ng batas at pag-amyenda sa procurement law ng gobyerno.
Bukod sa mga opisyal ng Deped, pinahaharap din sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa Huwebes ang mga opisyal ng PS-DBM.
Samantala dadalo ngayong umaga si Vice-President at Education Secretary Sara Duterte sa pagbubukas ng klase sa Dinalupihan Elementary School sa Bataan.
Isa ito sa mga eskuwelahan na nagpatupad na ng face to face classes ngayong araw.
Meanne Corvera