Mga dating opisyal ng nagsarang rural bank sa Batangas, hinatulang guilty sa paglabag sa banking law
Napatunayang guilty ng mga hukuman sa Lipa City, Batangas sa limang counts ng paglabag sa General Banking Law at isang count sa Revised Penal Code ang mga dating opisyal ng nagsarang Synergy Rural Bank Inc. (Synergy Bank).
Ang kaso ay nag-ugat sa mga reklamong inihain ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ayon sa BSP, sa ruling ng Lipa City Regional Trial Court, pinagmulta nito ang dating presidente at chairman ng Synergy Bank na si Herman S. Villalobos ng P200,000 at ang dating compliance officer na si Danilo D. Tobias P150,000.
Sa hiwalay na desisyon naman ng Lipa City Municipal Trial Court in Cities, sinentensyahan nito si Villalobos ng parusang pagkakakulong na isang taon para sa isang kaso, at pagkakabilanggo na hindi bababa sa anim na buwan hanggang dalawang taon at apat na buwan para sa isa pang kaso.
Pinagbabayad din ng korte si Villalobos ng Php10,000.
Sinampahan ng mga kaso ang mga nasabing opisyal bunsod ng Directors, Officers, Stockholders and Related Interests (DOSRI) loan grant para kay Tobias at pekeng loan application na nadiskubre ng BSP.
Nagkakahalaga ang mga loans ng Php2.51 milyon.
Moira Encina