Mga dayuhan sa Bali na nahuhuling hindi naka-face mask, pinagpu-push up
DENPASAR, Indonesia (Agence France Presse) – Kakaibang parusa ang ipinapataw sa mga dayuhan na nahuhuling hindi nakasuot ng face mask, sa Bali resort sa Indonesia: push-ups.
Makikita sa video footage na nagsi-circulate ngayon sa social media, ang mga dayuhang naka T-shirts at shorts na pinagpu-push up, habang binabantayan ng security officials.
Noong isang taon ay ginawang mandatory ng Bali authorities ang pagsusuot ng face mask sa publiko, dahil sa COVID-19 outbreak.
Gayunman, sinabi ni security official Gusti Agung Ketut Suryanegara, na sa mga nakalipas na araw, ilang bilang ng mga dayuhan ang nahuhuling walang suot na face mask.
Higit 70 katao na ang pinagbayad ng multang 100,000 rupiah ($7), pero nasa 30 iba pa ang nagsabing wala silang dalang ganoong halaga ng cash. Kaya, pinag-push up na lang sila.
Ang mga walang suot na mask ay kailangang gumawa ng hanggang 50 push ups, habang ang meron namang mask pero wala sa ayos ang pagkakasuot ay kailangang gumawa ng 15 push ups.
Ayon kay Suryanegara, noong una ay sinasabi ng mga nahuhuli na hindi nila alam ang tungkol sa nasabing regulasyon, at may mga nagsasabi naman na nakalimutan nila o di kaya naman ay basa o sira ang kanilang mask.
May ilang Indonesian sa Bali, na nakatikim na ring mabigyan ng kakaibang parusa.
Nagbabala rin sa mga dayuhan ang Bali authorities, na sinuman sa kanila ang lumabag sa umiiral na virus regulations ay maaaring patalsikin palabas ng bansa, bagamat wala pa namang napapaulat na na-deport dahil sa hindi pagsusuot ng mask.
Ang isla ng Bali ay namamalaging sarado sa mga dayuhang mula sa ibang bansa, subalit tahanan ito ng maraming long-term residents na galing abroad.
Ang mga dayuhan naman na naninirahan sa iba pang panig ng Indonesia, ay maaari pa ring bumisita sa Bali.
Liza Flores