Mga DILG Asst Secretaries at Undersecretaries, itinalaga sa bawat lunsod para makipag-ugnayan sa mga Metro Manila mayors kung nagagampanan ng mga ito ang kanilang direktiba
Nagtalaga ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng kanilang mga Undersecretaries at Assistant Secretaries sa iba’t-ibang lunsod sa Metro Manila upang makipag-ugnayan sa mga alkalde.
Ito ay kasunod ng direktiba ng DILG sa lahat ng Metro Manila mayors na linisin mula sa lahat ng sagabal ang mga pampublikong lansangan na kanilang nasasakupan sa loob ng 45 araw.
Sa panayam ng Radyo Agila, sinabi ni DILG Undersecretary Epimaco Densing, na ang kanilang mga iitnalagang tauhan ang siyang mag-e-evaluate kung nagawa ng mga alkalde ang kanilang tungkulin sa loob ng apatnpu’t limang (45) araw.
Kung mapapatunayang hindi nagampanan ng mga alkalde ang nasabing direktiba ay magrerekomenda ang DILG sa Office of the President na sila ay suspendihin at hindi aniya magdadalawang isip ang Pangulo na pirmahan ang suspension order gaya ng naipangako nito sa naging pakikipagpulong niya sa mga Metro Manila mayors noong Martes.
Mula sa animnapung (60) araw na palugit na ibinigay sa mga alkalde sa Metro Manila para linisin ang mga bangketa at kalye, pinaikli pa ito sa apatnapu’t limang (45) araw.
Inatasan din ang mga alkalde na atasan ang kanilang konseho na rebyuhin ang mga traffic management ordinance na pumapayag maglagay ng mga istruktura sa bangketa at amyendahan ito para tuluyan nang malis ang lahat ng sagabal sa mga kalsada.
Bukod sa suspension order na ipapataw sa mga hindi umaksyong alkalde, sasampahan din ng kasong kriminal ang mga local o Barangay officials na kumikita sa mga iligal na gawaing ito.
“Merong programa batay sa kautusan ni Pangulong Duterte na linisin ang mga bangketa at kalsada, at kung meron mang hindi sumusunod ay pwedeng ipagbigay-alam sa ating mga opisyales maging lokal at national kasi hindi lahat ay makikita ng ating taong gobyerno. Kung sinasadya dahil kumikita ang mga barangay officials ay kakasuhan natin sila ng kriminal”.