Mga District Hospital sa Maynila inihahanda para maging regular hospital na muli
Kasabay ng decongestion ng lokal na pamahalaan ng Maynila ng Covid 19 patients sa kanilang mga Ospital ay ang pagpapalakas ng Intensive Care Units sa 6 na District Hospitals sa lungsod.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ang mga pasyente mula sa District Hospitals na puwede nang ilipat ay dinadala nila sa Manila Covid Field Hospital sa Luneta.
Sa ngayon ay nasa mahigit 40 Covid 19 patients na aniya ang nailipat sa Field Hospital na ito.
Habang inihahanda naman para sa normal na operasyon ang kanilang District Hospitals, sinisiguro rin aniya ng lokal na pamahalaan na magkaroon ito ng mga makabagong kagamitan.
Sa ngayon, may isang pagamutan na sa lungsod ang deklaradong Covid 19 free.
Ito ang Ospital ng Tondo na wala na aniyang Covid 19 patients.
Para sa 6 na District Hospitals sa Maynila, halos 400 milyong piso ang inilaang pondo ng lokal na pamahalaan para sa pagbili ng mga bagong kagamitan.
Una rito, dumating na ang ilan sa mga biniling electrical hospital beds at iba pang medical supplies na binili ng Manila LGU.
Madz Moratillo