Mga dokumento ng PCG at MARINA kaugnay sa oil spill, ipina-subpoena ng DOJ
Inatasan na ng DOJ ang Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA) na isumite ang ilang dokumento na may kaugnay sa oil spill sa Oriental Mindoro.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na inaasahan nila na sa pagpupulong muli ng inter-agency task force sa Huwebes ay dadalhin ng PCG at MARINA ang mga hinihingi nilang dokumento.
May mga dokumento rin na kailangan ang DOJ mula sa Philippine Ports Authority at sa pantalan sa Limay, Bataan kung saan ikinarga ang laman ng MT Princess Empress na pinagmulan ng tumagas na langis.
Ayon kay Remulla, ang subpoena sa mga dokumento ay bahagi ng case build-up laban sa mga may-ari ng lumubog na MT Princess Empress at sa iba pang may pananagutan.
Una nang inihayag ng DOJ na kabilang sa iniimbestigahan sa insidente ang PCG at MARINA dahil nakapaglayag pa rin ang motor tanker kahit wala itong kinauukulang mga dokumento.
Nagsagawa ng aerial inspection sina Remulla at ilan pang opisyal na kasama sa task force para mabatid ang lawak at pinsala na ibinunga ng oil spill sa Oriental Mindoro at iba pang lugar.
Sinabi ni Remulla na nakita nila sa aerial inspection ang lawak ng pagtagas ng langis.
Mas malaki aniya ang oil spill kaysa sa ipinapahayag.
Ayon pa sa kalihim, napakalapit na ng oil spill sa Verde Island Passage sa Batangas kaya lubhang nanganganib ito na mapinsala.
Sinabi ng kalihim na ang gobyerno na ang mangunguna sa clean-up sa langis at hindi na ipauubaya sa ship owners dahil tila walang nangyayari.
Nababahala si Remulla sa pag-abot ng oil spill sa Verde Island dahil nagbabanta ito sa isa sa mga pinakamahalagang lugar sa marine biodiversity sa buong mundo.
Moira Encina