Mga e-trike, bawal nang bumiyahe sa Maynila…mga lalabag, maiimpound ang sasakyan

Nagpalabas na ng memorandum order si Mayor Isko Moreno na pansamantalang nagbabawal sa operasyon ng lahat ng e-trike o electric tricyle sa Maynila.

Batay sa inilabas na kautusan ni Moreno kay Manila Traffic and Parking Bureau  (MTPB) chief Dennis Viaje, hindi pwedeng mag-operate ang mga e-trike habang nakabinbin ang konsultasyon sa Manila City Council.

Giit ng alkalde, ang kawalan ng malinaw na regulasyon sa mga e-bike ay maaaring magdala sa kapahamakan sa mga pasahero at aksidente sa kalsada.

Nabatid na walang prangkisa ang mga e-trike na bumibiyahe sa lungsod, na nangangahulugan ayon sa alkalde na hindi naispeksyon ang road worthiness ng mga ito.

Mayroon rin aniyang legal na usapin kung ang e-bike o e-trike ay ikinukunsiderang motor vehicle kaya kailangang mairehistro sa Land Transportation Office (LTO) bago payagang makabyahe sa mga lansangan ng Maynila o iba pang lugar sa Metro Manila.

Ang mga lalabag sa memo ay huhulihin at mai-impound umano ang sasakyan.

Ulat ni Madelyn Moratillo

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *