Mga empleyado ng Bucor pinaiimbestigaan ni Senador Tulfo sa DOJ

Pinaiimbestigahan ni Senador Raffy Tulfo sa Department of Justice ang mga empleyado at mga opisyal ng Bureau of Corrections.

Nilalayon nitong alamin kung may kinalaman ang mga taga BuCor sa talamak na pagpupuslit ng mga kontrabando sa NBP at pagkakadawit sa mga kaso ng karumal dumal na kaso ng pagpatay.

Nababahala si Tulfo sa pahayag ng kapatid ng umano’y middleman sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid, na ang kanyang kapatid na inmate sa Bilibid ay may access sa isang mobile device habang nakakulong.

Iginiit ng Senador na hindi magkakaroon ng access ang mga bilanggo kung walang ng sabwatan mula sa mga empleyado o opisyal ng Bucor.

Sinabi pa ng Senador dapat may regular na inspeksyon sa mga kubol ng inmates maging sa mga opisina ng mga tauhan ng BuCor.

Dapat rin aniyang imbestigahan at itigil ang “Sim Card for Rent” sa loob ng NBP.

Iminungkahi rin nito ang mahigpit at masusing body search sa lahat ng mga opisyal at empleyado ng BuCor na pumapasok sa NBP pero dapat mga private security personnel ang gumagawa at dapat may mga xray screening device kasama na ang mga trained K-9 dogs para madaling matukoy kung may dalang kontrabando.

Kailangan rin aniya silang isailalim sa lifestyle check para malaman kung sangkot ang mga ito sa malawakang korapsyon.

Meanne Corvera

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *