Mga empleyado ng Comelec naka work from home muna kasunod ng sunog sa kanilang gusali
Sarado muna ngayong araw ang mga opisina dito sa Palacio del Gobernador sa Intramuros Maynila kasunod ng nangyaring sunog dito kagabi.
Maliban sa Commission on Elections, nag-oopisina rin dito ang Pagibig.
Sa ngayon abala rin ang mga empleyado sa paglilinis sa loob ng gusali.
Kaugnay nga ng nangyaring sunog sa ikapitong palapag ng Comelec main office kagabi, sinabi ni Atty. John Rex Laudiangco, tagapagsalita ng poll body, na walang anumang gamit o dokumento nila ang nadamay sa sunog.
Ayon kay Laudiangco, ang limitado lang sa reception area ng kanilang Information Technology Department ang sunog.
Sa kanilang inisyal na assessment, wala ring mga tauhan, dokumento o gamit ang nadamay sa sunog na umabot hanggang sa ikalawang alarma bago naapula.
Maging ang COMELEC Servers at Vaults na nasa ITD ay ligtas din.
Tiniyak rin ni Laudiangco na hindi rin naapektuhan ng sunog ang Election Results at iba pang datos, maging ang kanilang back up data.
Maging ang Voter’s Registration Data ay ligtas din.
Inanunsyo naman ni Laudiangco na ngayong araw, naka work from home muna ang kanilang mga opisyal at empleyado habang may ilan ang naka- skeleton-work-force para sa inventory, assessment at iba pang trabaho na hindi pwedeng ipagpaliban.
Madelyn Villar- Moratillo