Mga empleyado ng gobyerno hindi agad matatanggal sa ilalim ng isinusulong na rightsizing
Pinakalma ni Vice president Sara Duterte ang mga empleyado ng gobyerno na maaring mawalan ng trabaho dahil sa gagawing rightsizing.
Sa harap ito ng nakaambang pagkawala ng trabaho ng may dalawang milyong mga manggagawa dahil sa rekomendasyon na rightsizing ng Department of Budget and Management dahil sa mga dobleng posisyon at mga hindi napapakinabangang tanggapan ng pamahalaan.
Ayon sa pangalawang Pangulo, hindi naman agad agad ang gagawing pagbabawas ng mga empleyado ng pamahalaan.
Sinusuportahan ni Duterte ang hakbang ng administrasyon na ayusin ang burukrasya at linisin ang mga hindi napapakinabangang tanggapan ng Pangulo para makatipid at makapangalap ng dagdag na pondo.
Pero ayon sa pangalawang Pangulo, hindi nya nakikitang maapektuhan ang kanyang hinahawakang tanggapan kabilang na ang office of the Vice president at Department of Education.
Si Senador Bong Go, isinusulong ang panukalang E-governance na layong bawasan naman ang red tape gamit ang teknolohiya.
Sa panukalang batas, magtatag ng integrated, interconnected interoperable information at resource-sharing and communications network, isang internal records management information system at database system.
Ito’y para mas mapabilis ang serbisyo at maiwasan na rin ang lagayan at kurapsyon sa pamamagitan ng mga under the table.
Napapanahon na aniyang ipasa ang panukala para lahat ng transaksyon sa gobyerno ay maging online at dapat matuto ang bansa sa karanasan noong pandemya.
Meanne Corvera