Mga empleyado ng gobyerno sa Pakistan na ayaw magpabakuna, hindi susuwelduhan
KARACHI, Pakistan (AFP) – Ipinag-utos ng pinuno ng isang probinsiya sa Pakistan, na hindi susuwelduhan simula sa susunod na buwan, ang mga empleyado ng gobyerno na tatangging magpabakuna.
Ang hakbang ay inanunsyo ni Sindh chief minister Murad Ali Shah, matapos makipagpulong sa health officials para pag-usapan ang unang kaso ng delta variant na na-detect sa lalawigan, na kinabibilangan ng malaking siyudad ng Karachi.
Ayon kay Shah . . . “Any government employee who is not vaccinated should have their salary stopped from July.”
Ang third wave ng infections ay nagsimula nang ma-stabilise sa Pakistan, makaraan ang ilang linggong restriksiyon sa public gatherings, ngunit ang Sindh province ang nakapag-ulat ng pinakamataas na bilang ng kaso mula nang mag-umpisa ang pandemya.
Ang noong una’y mabagal na vaccination rollout ay pinabilis nitong nakalipas na mga linggo, kung saan higit 200-libong doses na ang naibakuna. Subalit nasa 2.2 milyong katao pa lamang mula sa 220 milyong populasyon, ang fully vaccinated na.
Ang misinformation at conspiracy theories tungkol sa side effects ng bakuna ang sanhi ng pag-aalinlangan ng mga Pakistani na magpabakuna, habang naging hadlang naman sa mga mahihirap at hindi nakapag-aral na mga mamamayan, ang pagpaparehistro gamit ang mobile phone.
Nahirapan din ang mga nasa rural area na magtungo sa vaccine centers, na karamihan ay nasa mga pangunahing lungsod.
Hindi naman sinang-ayunan ng mga kinatawan ng mga manggagawa ang naturang utos.
Ayon kay Liaqat Sahi, secretary general ng isang labor union sa central State Bank ng Pakistan . . . “This is a strange order, as people are very much volunteering and willing to get vaccinated. I have been vaccinated. Instead, the government should create more vaccination centers, especially in rural areas.”
Ang Pakistan ay nakapagtala ng higit sa 850-libong infections at 21,022 na ang namatay, ngunit marami ang naniniwala na mas malala pa rito ang tunay na bilang, dahil na rin sa limitadong testing efforts.
Ngayong linggo, binuksan ng Pakistan ang pagbabakuna sa lahat ng adults na lampas 18-anyos, at ang ginamit na bakuna ay mula sa China.
@ Agence France-Presse