Mga empleyadong papasok na sa trabaho ngayong GCQ, dapat maging maingat- DOLE
Dapat maging maingat ang mga empleyadong papasok sa mga kumpanya ngayong nasa ilalim na General Community Quarantine ang Metro Manila.
Ayon kay DOLE -Bureau of Local Employment Director Nikki Rubia Tutay, dapat panatilihing nasusunod ang mga safety health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at pagdadala ng sariling sanitizers.
Dapat ding siguruhin ng mga kumpanya na nache-check ang body temperature ng mga empleyadong papasok sa gusali.
Kahit nasa GCQ na ang Metro Manila at niluwagan na ang mga restrictions, hindi pa rin mapipilit pumasok ang isang empleyado dahil sa ilalim ng GCQ ay ipinatutupad pa rin ang isa sa mga alternative work arrangements gaya ng work from home.
Pero nilinaw din ng DOLE official na kung kailangang-kailangan ang kanilang presensya sa kumpanya at may shuttle service na ipagkakaloob ang kumpanya ay dapat pumasok ang empleyado.
Kung hindi ay maaari siyang patawan ng disciplinary action.
Gayunman, kailangan naman ding sumunod ang mga kumpanya sa guidelines ng IATF para sa seguridad ng kanilang mga empleyado
DOLE -BLE Director Nikki Tutay:
“Ang guide po na susundin ay manggagaling sa IATF at sa DOH. Bawal po ang mga buntis, yung may mga medical conditions, yung mga matatanda at below 21 years old. So kailangang unawain ito ng mga kumpanya”.