Mga employers, hinimok ng DOLE na huwag disiplinahin ang mga kawani na hindi nakapasok sa trabaho dahil sa bagyo
Umapela si Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa pribadong employers, na huwag disiplinahin ang mga kawani na hindi nakapasok dulot ng Bagyong Kristine.
Ito ay kahit nasa diskresyon aniya ng mga pribadong kumpanya o establisyimento kung magsususpinde ng trabaho kapag may bagyo.
Ayon kay Laguesma, may inilabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) na labor advisory noong 2022, na aplikable pa rin ngayon kapag masama ang panahon.
DOLE Secretary Bienvenido Laguesma / Photo: PIA
Hinimok din ng kalihim ang employers na bigyan ng tulong ang mga empleyado na naapektuhan ng kalamidad.
Sinabi ni Laguesma, na bagama’t ang general principle ay “no work, no pay” ay maaaring magkaroon ng company policy o collective bargaining agreement, na pagkakalooban ng tulong ang mga manggagawang apektado at hindi nakapagtrabaho.
Nilinaw pa ng kalihim na hindi puwedeng ang DOLE ang magbigay ng direktiba kung may pasok o wala ang mga kumpanya kapag masama ang panahon, dahil ang mga ito ay negosyo at may operasyon.
Moira Encina-Cruz