Mga “Epalitiko” sa pamamahagi ng ayuda, binalaan ng Malakanyang
Binabalaan ng Malakanyang ang mga pulitiko na i-epal sa pamamahagi ng Special Cash Assistance sa mga apektado ng ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine sa National Capital Region o NCR, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na malinaw ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Local Government Official na huwag haluan ng pulitika ang pamamahagi ng cash assistance.
Ayon kay Roque mayroong kautusan ang Pangulo sa Department of Interior and Local Government (DILG) na mahaharap sa kaso ang sinumang Local official na i-epal sa pamimigay ng cash assitance.
Inihayag ni Roque na bawal ilagay ng pulitiko ang kanyang pangalan at larawan sa sobre kung cash ang ibibigay ganundin sa supot na gagamitin kung groceries ang laman ng ipapamahaging tulong.
Idinagdag ni Roque na bawal din ang paglalagay ng tarpaulin ng pulitiko sa mga lugar na pagdarausan ng pamamahagi ng tulong sa mga mahihirap na apektado ng ECQ.
Batay sa napagtibay na special assistance, tatanggap ng tig-1,000 pisong cash ang bawat kuwalipikadong recipient at hindi lalagpas sa 4,000 piso sa bawat pamilya mula sa pamahalaan bilang ayuda sa mga naapektuhan ng ECQ sa NCR, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Vic Somintac