Mga eskuwelahan sa India isinara dahil sa pagtaas ng temperatura
Ipinag-utos ng mga awtoridad sa Indian capital na maagang isara ang mga paaralan para sa summer holiday, makaraang umabot sa 47.4 degrees Celcius (117 degrees Fahrenheit) ang temperatura na itinuring ng Delhi na isang “severe heatwave.”
Inatasan ng mga opisyal sa Delhi ang mga paaralan na agad na magsara dahil sa nakapapasong init, kaya mababawasan ng ilang araw ang school term.
Nagbabala ang weather bureau ng India ng isang “severe heatwave conditions” sa linggong ito, kung saan inaasahan na ang peak ng temperatura ay aabot sa 47.4 degrees Celsius sa Najafgarh suburb.
Ang mga awtoridad sa iba pang mga estado kabilang ang Haryana, Madhya Pradesh, Punjab at Rajasthan ay nag-utos na rin ng pagsasara ng mga paaralan.
Hindi na bago sa India ang mainit na temperatura tuwing summer.
Ngunit natuklasan sa ilang taon nang scientific research, na dahil sa climate change kaya ang heatwaves ay nagiging mas matagal, mas madalas at mas matindi.
Nagbabala ang Indian Meteorological Department sa epekto ng init sa kalusugan laluna para sa mga sanggol, mga nakatatanda at para sa mga mayroong chronic disease.
Noong May 2022, iniulat ng Indian media na ilang bahagi ng Delhi ang dumanas ng 49.2 degrees Celsius (120.5 Fahrenheit) na temperatura.
Ang susunod na round ng anim na linggong eleksiyon sa India ay gaganapin sa Sabado, kasama rito ang Delhi.
Bumaba ang voting turnout, at ayon sa mga analyst may kinalaman ito sa mas mainit kaysa karaniwang panahon, pati na rin ang malawakang inaasahan na madaling magwawagi si Prime Minister Narendra Modi para sa ikatlo niyang termino.
Ang election commission ng India ay bumuo ng isang task force upang repasuhin ang impact ng heatwaves at humidity bago ang bawat round ng voting.
Kasabay naman ng init, binayo ng malalakas na ulan ang southern states ng India kabilang ang Tamil Nadu at Kerala, nitong nagdaang mga araw.
Tinamaan din ng malalakas na bagyo ang ilang bahagi ng bansa noong nakaraang linggo, kabilang ang financial capital na Mumbai, kung saan bumagsak ang isang higanteng billboard na ikinamatay ng 16 katao habang dose-dosenang iba pa ang na-trap.