Mga eskuwelahang matinding naapektuhan ng mga kalamidad, papayagan muna ang blended learning
Simula na bukas ang full implementation ng face-to-face classes sa lahat ng pampublikong eskuwelahan sa buong bansa.
Pero ayon kay Atty. Michael Poa, Spokesperson ng Department of Education, may kapangyarihan ang Regional offices ng DepEd na magpatupad ng exemptions sa mga lugar na matinding naapektuhan ng bagyong Paeng at lindol sa Abra.
Sinabi ni Poa na sa mga lugar na matinding hinagupit ng bagyong Paeng, magkakaroon muna ng alternative delivery mode o maaaring magpatupad muna ng blended learning.
Marami pa rin kasi aniyang eskuwelahan ang apektado ng baha at ginagamit na mga evacuation center.
Sa inisyal na tala ng DepEd, aabot sa 617 ang mga eskuwelahang ginamit na evacuation center habang 92 sa mga paaralan ang nakapagtala ng infrastructure damage.
May request rin aniya na makapag-blended learning muna sa Zamboanga na isa rin sa mga hinagupit ng bagyong Paeng.
Meanne Corvera