Mga eskwelahan kinalampag na gawing makatwiran ang tuition fee hike
Umapela ang isang kongresista sa mga eskwelahan na maging makatao sa pagtatakda ng matrikula para sa susunod na pasukan.
Ito ang pahayag ni Edukasyon Rep. Salvador Belaro Jr. kasunod ng pagtatapos ng konsultasyon ng mga higher educational institutions sa mga stakeholder sa isyu ng tuition fee hike.
Giit ng kongresista dapat ay makatwiran naman ang increase para hindi mabigatan ang mga magulang sa pagbabayad ng matrikula lalo na at milyun- milyon pa rin ang walang trabaho.
Kinalampag din ng kongresista ang budget department at CHED na ilabas na sa lalong madaling panahon ang panuntunan para sa free college tuition sa State Universities and Colleges.
Ngayong Marso aniya ang tamang panahon para ilabas ang panuntunan para makapag-avail ng free tuition sa pasukan sa SUC’s ang mga magkokolehiyo.
Ulat ni: Madelyn Villar-Moratillo