Mga fully vaccinated kontra Covid-19, hinimok na magpa-booster na sa harap ng planong tuluyang pagbubukas ng bansa sa international tourists
Hinimok ng National Vaccination Operations Center (NVOC) ang mga fully vaccinated kontra Covid-19 sa bansa partikular ang nasa hanay ng economic workforce na magpa-booster shot na laban sa Covid-19.
Ito ay bilang paghahanda sa pagdagsa ng mas maraming turista kasunod ng pagbubukas ng lahat ng border ng bansa sa mga dayuhan.
Sinabi ni Dr. Krezia Lorraine Rosario, NVOC co-lead, na napakahalaga para sa pagbangon muli ng ating ekonomiya ang pagbubukas ng mga pintuan ng bansa sa international tourists.
Isa aniya sa mabisang proteksyon ng bawat isa laban sa virus ay ang bakuna.
Kailangan aniya ang booster shot dahil sa inaasahang paghina ng epekto ng primary series ng mga bakuna o yung mga nakatanggap ng dalawang dosage.
Nitong Pebrero nang buksan ng pamahalaan ang bansa sa mga turista mula sa visa-free countries kasunod ng pagluluwag ng restrictions at inaasahang sa Abril ay bubuksan na sa lahat ng bansa ang Pilipinas.