Mga fully-vaccinated Pinoy at iba pang dayuhang turista, maaari nang bumisita sa Israel

Inanunsiyo ng Ministry of Tourism ng Israel na bukas na ang kanilang bansa para sa mga indibiduwal at grupo ng Pilipinong turista at iba pang dayuhan na nakakumpleto na ng bakuna laban sa COVID-19.

Ito ay matapos ang mahigit 18 buwan mula nang isara ng Israel ang pintuan nito sa mga biyahero dahil sa pandemya.

Noong Mayo ay nagsagawa na ang Israel ng pilot reopening program kung pinayagan ang piling bilang ng tour groups na makapasok sa bansa.

Pero, ngayon ay maaari nang magbiyahe sa Israel ang lahat ng mga fully-vaccinated travelers kabilang ang mga Pinoy.

Ayon kay Sammy Yahia, Tourism Director for Philippines and India, isang understatement na sabihin na sabik na ang Israel sa pagbubukas muli ng turismo.

Aniya ipinagmamalaki ng Israel na gumawa ito ng mga hakbangin para maproteksyunan ang mga mamamayan at ang mga bisita nito mula sa COVID-19.

Isa sa mga panuntunan para makapasok sa Israel ay ang pagkuha ng PCR test 72 hours bago ang biyahe paalis at pagsasailalim muli sa PCR test pagdating sa Israel.

Ang mga bakuna na kinikilala ng Israel ay ang Pfizer, Moderna, Janssen, AstraZeneca, Sinovac, Sinopharm, at Serum Institute of India.

Epektibo naman sa November 15 ay tatanggapin na rin ng Israel ang mga turistang bakunado ng Sputnik V.

Dapat din ay hindi bababa sa 14 na araw ang lumipas mula nang mabakunahan ng second dose.

Pero ang mga nabakunahan ng ikalawang dose na nakalipas na ang anim na buwan ay kinakailangan na magpa-booster shot para makapasok sa Israel.

Maaaring bisitahin ang website na https://corona.health.gov.il para sa detalyadong guidelines para sa mga nais na magbiyahe sa Israel.

Moira Encina

Please follow and like us: