Mga grupo ng mga hukom at kawani ng Hudikatura, iginiit na ang Korte Suprema ang sole interpreter ng Konstitusyon… Mga pagtatangkang buwagin ang Supreme Court, ipinahayag na lalabanan
Ang Korte Suprema lamang ang sole interpreter ng Saligang Batas.
Ito ang ipinunto ng iba-ibang grupo ng mga hukom at empleyado ng Hudikatura sa harap ng mga pagbatikos ng ibat-ibang sektor sa desisyon ng Korte Suprema na patalsikin si Maria Lourdes Sereno bilang Chief Justice.
Sa binasang joint statement ng Philippine Judges Association, Philippine Association of Court Employees, Supreme Court Assembly of Lawyer Employees at Supreme Court Employees Association, iginiit na ang interpretasyon at aplikasyon ng Saligang Batas ay kapangyarihang eksklusibo sa Korte Suprema.
Hindi anila nakasalalay ang pagpapaliwanag ng Saligang Batas sa Ehekutibo, sa Kongreso,sa media, sa mga abogado at law students, sa simbahan at kahit sa mismong taumbayan.
Binigyang-diin pa ng mga ito na ang tunay na diwa ng judicial independence ay mahayaan ang mga mahistrado na makapagpasya nang patas alinsunod sa mga proven facts at applicable law at ng kanilang kaalaman sa batas at dikta ng kanilang konsensya.
Ayon pa sa kanila, ang judicial independence ay ang kalayaan ng mga justices na makapagpasya nang wala sa isip kung ano ang gusto ng publiko at ang mga pananakot at pagbabanta ng impeachment ng ilang grupong politikal.
Kasabay nito, pinasaringan ng mga grupo ng court employees at judges ang mga hakbangin ng ilan para takutin, bastusin at hiyain ang mga mahistrado at pahinain ang Korte Suprema.
Tiniyak din nila na kanilang lalabanan ang pagtatangka ng anomang grupo na hatiin at buwagin ang Supreme Court.
Ulat ni Moira Encina