Mga gulong ng Boeing plane sa Los Angeles, natanggal
Natanggal ang gulong ng isang Boeing jetliner habang nagti-takeoff mula sa Los Angeles.
Ayon sa United Airlines, na siyang nag-o-operate sa Boeing 757-200, natanggal ang gulong ng eroplano habang paalis sa Los Angeles International Airport subalit ligtas naman itong nakalapag sa Denver, na siya nitong destinasyon.
Sa isang pahayag ay sinabi ng airline, “The wheel has been recovered in Los Angeles, and we are investigating what caused this event.”
Wala namang napaulat na nasaktan mula sa ground o sa 174 mga pasahero at pitong crew ng eroplano.
Ito na ang ikalawang pagkakataon sa nakalipas na mga buwan, na natanggal ang gulong ng isang Boeing plane na ino-operate ng United Airlines matapos mag-takeoff.
Noong Marso, nahulog ang gulong ng isang Boeing 777 na patungong Japan ilang sandali makaraang mag-takeoff mula sa San Francisco, sanhi para ito mag-emergency landing.
Nitong Lunes, ay nag-plead ng guilty ang Boeing sa isang ‘fraudulent settlement’ sa US Department of Justice, kaugnay ng pagbagsak ng dalawang 737 MAX kung saan may mga namatay.
Ang Boeing ay muling nabatikos tungkol sa 737 MAX ngayong taon, makaraang makalas ang isang fuselage door plug ng kaparehong model habang bumibiyahe ang isang Alaska Airlines noong Enero.
Sinabi ng isang tagapagsalita ng Boeing sa isang email, na ang 757-200 aircraft na nag-takeoff nitong Lunes ay unang idineliver 30 taon na ang nakalilipas noong 1994.
Ang produksiyon ng 757 model ay itinigil na noong 2004.
Iniimbestigahan na ng Federal Aviation Administration ang nangyari nitong Lunes.