Mga guro at kawani ng DepEd, handa na sa 2022 elections
Bilang paghahanda sa 2022 National at Local elections sa Mayo at bilang requirement ng Commission on Elections (COMELEC), ang Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng Learning Management System (LMS), ay nakatanggap na ng 65% personnel applications para sa Philippine National Public Key Infrastructure (PNPKI) digital signatures.
Noong October 29, nakapagsumite na ang mahigit 658,000 mga kawani at guro ng kanilang mga aplikasyon. Mula sa mga ito, 83% na ang na-validate ng HR units para isumite sa Department of Information and Communications Technology o DICT.
Nagpasalamat naman si DepEd Secretary Leonor Briones sa DICT, na tumulong para mapabilis ang aplikasyon ng PNPKI.
Ayon kay Briones . . . “Data security is a priority especially during elections, and with majority of our personnel and teachers having secured their digital signatures through PNPKI, we are equipping them well and getting ready for their tasks as members of the Electoral Board.”
Ang PNPKI digital signature ay isang bagong requirement ng Comelec para sa lahat ng pampublikong mga guro na magsisilbi bilang Electoral Board Members. Available ito sa lahat ng mga kawani ng pamahalaan, mga ahensiya, at mga pribadong indibidwal.
Ang PNPKI ay isang virtual key na nagpapahintulot sa users na i-encrypt o itago ang datos sa isang code at i-embed ang mahahalagang transaksiyon gaya ng palitan ng email, upang maprotektahan ito mula sa hackers.
Tiwala ang mga ahensiya ng gobyerno sa PNPKI at sa pangako nitong ligtas na mga transaksiyon sa publiko.
Pinangunahan ng Region 7 ang aplikasyon sa pamamagitan ng 89% applications, sinundan ng CALABARZON na may 84% na naisumiteng personnel applications, at kasunod ang Regions 1 at 5.
Para naman sa Schools Division Offices, ang Tanjay City sa Region 7 ang nangunguna sa lahat ng Division Offices na may pinakamaraming bilang ng na-validate na mga aplikasyon na may 109.81%, sinundan ng Lipa City at Region IV-A na parehong may 106.5%.
Sa pakikipagtulungan sa DICT, napabilis ng kagawaran ang pagpaparehistro ng mga guro at kawani sa DepEd LMS bilang online platform.
Pinayagan nito ang DepEd na maghain ng maramihang aplikasyon para sa digital certificates, at para i-waive ng DICT ang submission ng requirements.