Mga guro, dapat isama sa mga unang bibigyan ng COVID-19 vaccine ayon sa UN
PARIS, France (AFP) — Nanawagan ang United Nations agency for education (UNESCO) sa mga gobyerno, na isama sa prayoridad para bigyan ng COVID-19 vaccine ang mga guro, at ituring silang gaya ng “frontline” workers.
Ang panawagan ay ginawa matapos simulan ng Estados Unidos, ang bansang pinakagrabeng tinamaan ng virus, ang pinakamalaking vaccination drive sa kanilang kasaysayan, sa pamamagitan ng pagbabakuna sa isang nurse sa New York.
Sinabi ni UNESCO chief Audrey Azoulay sa isang joint video message kasama ng pinuno ng Education International (EI) teachers’ organization na si David Edwards, na habang nakikita ang positibong developments kaugnay ng pagbabakuna, naniniwala sila na ang mga guro at education support personnel ay dapat na ikonsiderang isang priority group.
Ayon kina Azoulay at Edwards, nang ang mga paaralan at iba pang education facilities ay magsara para mapigilan ang pagkalat ng virus, ang mga guro at support personnel ay nanatili sa “frontline.”
Dagdag pa nila, nang gawing online ang mga klase, ang mga guro at support personnel ay muling bumuo ng mga paraan para sa pagtuturo at pag-aaral, at nang muling magbukas ang mga eskuwelahan, ay buong tapang din silang nagbalik sa mga silid-aralan.
Sa pagbibigay diin na ang mga paaralan ay hindi maaaring palitan, nanawagan ang Paris-based UNESCO at Brussels-based EI para ang mga guro ay isama sa mga unang bibigyan ng bakuna.
Target ng US aims na mabakunahan ang 20-milyong katao sa pagtatapos ng 2020. Inilunsad nito ang programa matapos maglabas ng emergency approval para sa Pfizer-BioNTech vaccine, na ginagamit na sa Britain.
© Agence France-Presse