Mga gusali nasunog sa pagsiklab ng bagong kaguluhan sa New Caledonia
Ilang gusali, kabilang ang isang istasyon ng pulis at isang town hall ang sinunog sa nagdaang magdamag sa New Caledonia, makaraang sumiklab ang panibagong kaguluhan sa French Pacific territory.
Sa isang press release ay sinabi ng High Commission na kumakatawan sa Freanch state, “The night was… marked by unrest throughout the mainland and on the island of Pins and Mare, requiring the intervention of numerous reinforcements: with attacks on the police, arson and roadblocks.”
Sumiklab ang mga riot at nakawan sa New Caledonia sa kalagitnaan ng Mayo, kaugnay ng isang electoral reform plan na sa pangamba ng Indigenous Kanak ay magiging sanhi upang permanente na silang maging minority, at hindi na nila makamtan ang inaasam na pagsasarili.
Ang kaguluhan ay nag-iwan ng siyam na patay at pinsala na tinatayang aabot sa mahigit sa 1.5 billion euros ($1.6 billion).
Tumugon naman ang French government sa pamamagitan ng pagpapadala ng mahigit sa 3,000 mga sundalo at pulis sa teritoryo, na halos 17,000 kilometres (10,600 miles) ang layo mula sa Paris.
Sa Dumbea, hilaga ng kapitolyo na Noumea, ang municipal police station at isang garahe ay sinunog.
Ilan pang sunog ang sumiklab din sa Ducos at Magenta districts ng Noumea, habang nagkasagupa naman ang mga pulis at mga separatista sa Bourail, kung saan isa ang nasaktan.
Sa ulat ng komisyon, ay nakasaad, “several fires were extinguished particularly in Ducos and Magenta, the premises and vehicles of the municipal police and private vehicles were set on fire.”
Sinabi pa ng High Commission, “Abuses, destruction and attempted fires were also committed in several places in Paita, in the Noumea suburbs, the police in Mare had also been attacked.”
Nitong Lunes ng umaga, maraming mga paaralan ang nagsara dahil sa panibagong kaguluhan.
Noong Sabado, pitong independence activist na may kaugnayan sa isang grupo na inaakusahang nagsimula ng mga riot noong nakaraang buwan, ang kinasuhan at ipinadala sa mainland France para sa pre-trial detention.