Mga gustong paalisin si Health Sec. Francisco Duque sa puwesto, hinamon ni PRRD na magbigay ng matibay na rason
Sa hindi mabilang na pagkakataon, muling ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte si Health Secretary Francisco Duque III sa mga umano’y anomalya na kinasasangkutan nito.
Hinamon pa ng Pangulo ang mga kritiko ni Duque na magbigay ng matibay na rason para sibakin niya sa puwesto ang kalihim.
Sinabi ng Pangulo na isang malaking kawalan ng katarungan kung pagbibigyan niya ang mga taong gustong gumulong ang ulo ni Duque na hindi naman napapatunayan ang umanoy anomalya na kanyang nagawa kaugnay ng Commission on Audit o COA observation report na mayroong 67 bilyong pisong pondo ng Department of Health o DOH ang kuwestiyunable ang pagastos kaugnay ng laban ng pamahalaan sa pandemya ng COVID 19.
Ayon sa Pangulo sagot niya si Duque sa lahat ng mga hakbang nito sa pagtupad ng kanyang tungkulin bilang kalihim ng kalusugan basta walang halong katiwalian.
Inihayag ng Pangulo na nananatili ang kaniyang tiwala kay Duque bilang miyembro ng gabinete.
Vic Somintac