Mga hayop namatay sa nangyaring sunog sa Bangkok pet market
Patay ang nakakulong na mga aso, pusa, ibon at ahas at napinsala rin ang isangdaang stalls, nang masunog ang mga pet shop katabi ng sikat na Chatuchak market sa Bangkok.
Ang sunog ay pinaniniwalaang nagsimula sa ornamental fish zone sa Srisomrat Market, na katabi ng mas malaking Chatuchak, ayon kay Tivakorn Prongseng, isang police inspector na nag-iimbestiga sa pangyayari.
Aniya, kumalat ang apoy sa mahigit 100 stalls sa magkabilang panig.
Snakes, which died in a fire at a pet market next to Chatuchak market, are seen in Bangkok on June 11, 2024 / Chanakarn Laosarakham / AFP
Sabi niya, wala namang napaulat na human casualties, ngunit maraming nakakulong na mga hayop ang natagpuang patay sa lugar, na pag-aari ng State Railway ng Thailand.
Dagdag pa ni Tivakorn, patuloy na iniimbestigahan ang sanhi ng sunog na naapula na.
Sa ulat ng local media, daan-daang hayop ang namatay sa sunog ngunit sinabi ni Tivakorn, na masyado pang maaga para masabi kung ilan talaga.
Samantala, nagset-up na sa lugar ang Bangkok Metropolitan Administration upang kumalap ng mga impormasyon mula sa mga may-ari ng tindahang naapektuhan.
Forensics officers survey the area after a fire at a pet market next to Chatuchak market in Bangkok / Chanakarn Laosarakham / AFP
Binisita naman ni Bangkok Governor Chadchart Sittipunt ang lugar, at sinabing maaaring makatulong ang mga tao sa mga naapektuhang shop owners, sa pamamagitan ng pagbibigay ng matutuluyan sa mga hayop na nakaligtas.
Dati nang pininsala ng sunog ang ilang bahagi ng masikip na pamilihan ng Chatuchak at mga katabi nitong lugar, na nagtitinda ng lahat ng uri ng bagay, mula sa mga antigo, electronics, dishwares at pagkain.
Ang pamilihan ay isang sikat na tourist attraction, ngunit popular ding shopping destination ng mga taga-roon.
Ang conservation groups ay dati nang nagpahayag ng mga pag-aalala tungkol sa pagbebenta ng buhay na mga hayop sa lugar, kung saan paminsan-minsan ay nagkakaroon ng raids sa mga nagtitinda ng “endangered species.”