Mga health worker sa Tondo Medical Center,nagsagawa rin ng kilos protesta
Ilang araw bago ang deadline para maipamahagi ang special risk allowance para sa mga healthcare worker,halos araw araw ay nagsasagawa sila ng kilos protesta para masigurong maibibigay ang benepisyo para sa kanila.
Ngayong araw, ang mga medical frontliner naman ng Tondo Medical Center ang nagrally para hilingin na maibigay na ang kanilang Covid 19 benefits.
Ayon kay Ernesto Bulanadi, presidente ng Tondo Medical Center Employees Association, Alliance of Health Workers, ang mga benepisyong ito ay para sa kanilang mga health worker.
Giit nila, ayaw naman sana nilang dalhin sa kalsada ang mga isyu, pero dahil sa liit ng sweldo ng mga health worker, malaking tulong sa kanila ang mga ganitong dagdag na benepisyo.
Panawagan rin nila sa mga mambabatas, alisin na probisyon na ang SRA ay para lang sa mga may direct contact sa Covid 19 patients.
Una rito, sinabi ng DOH na nairelease na ang P311 milyon para sa SRA ng mahigit 20 libong health workers at binigyan nila ng deadline ang mga ospital para maisumite ang karagdagan pang mga health worker na dapat ding makatanggap ng benepisyo.
Ayon kay Health Usec Ma Rosario Vergeire, bukod rito humiling rin sila sa Department of Budget and Management ng dagdag na pondo para sa SRA ng karagdagan pang mahigit 17 libong health workers.
Madz Moratillo