Mga hukom at court employees na na-ospital dahil sa COVID-19, tatanggap ng pinansyal na tulong mula sa Korte Suprema
Pinagtibay ng Korte Suprema ang pagkakaloob ng pinansyal na tulong sa mga hukom at kawani ng trial courts na na-ospital matapos mahawahan ng COVID-19.
Sa sirkular na pirmado ni Court Administrator Jose Midas Marquez, sinabi na tatanggap ng Php 15,000 hanggang Php 50,000 na financial assistance ang mga huwes at court personnel na na-confine sa ospital o kaya ay nangailangan ng inpatient care dahil sa COVID-19 mula Marso 2020.
Para sa may mild to moderate na sakit ay bibigyan ito ng Php 15,000 habang sa may severe to critical illness ay Php 30,000.
Kabuuang Php 50,000 naman ang tatanggapin ng pamilya ng judge o court employee na namatay dahil sa COVID-19 na-ospital man ito o hindi.
Kabilang sa mga kailangan na isumite para ma-avail ang tulong ay ang resulta ng positibong RT-PCR test, medical certificate na nagsasabi ng clinical findings ng sakit na dulot ng virus at kung mild, moderate, critical o severe ang sakit, death certificate na nagsasaad na namatay ang pasyente dahil sa virus o komplikasyon dala ng COVID, disbursement voucher at obligatory request.
Kailangang maisumite sa Financial Management Office-Office of the Court Administrator ang orihinal na hardcopies ng mga requirements bago mailabas ang subsidiya.
Maaari naman na i-email nang inisyal ang mga nasabing requirements sa [email protected] para mapabilis ang pag-proseso ng claims.
Sinabi ng Korte Suprema na may pangangailangan na tulungan ang mga hukom at kawani para mabayaran ang mga ginastos nito sa pagpapagamot sa ospital dahil nahawahan ng virus ang iba sa mga ito habang nasa pagganap ng kanilang trabaho.
Moira Encina